Maaaring manatili sa kanlungan ang kababaihan at ang kanilang mga anak kapag hindi nila magawang manatili sa tahanan dahil sa karahasan mula sa kinakasama o ibang miyembro ng sambahayan. Ang kanlungan ay para rin sa kababaihang ginahasa at para sa mga babaeng biktima ng pagtrapiko ng tao.

Sa panahon ng pananatili, inaalok ang kababaihan ng pakikipanayaman sa mga tagapayo ng kanlungan. Ang mga pakikipanayam ay maaaring nasa anyo ng pangkalahatang pagsangguni, payo, suporta, access sa impormasyon at/o mga tagubilin.

Sa panahon ng pananatili sa kanlungan at pagkatapos nito, maaaring lumahok ang isang babae sa mga grupo ng pagtulong sa sarili na pinapatakbo ng Kanlungan ng Kababaihan.

Magkakaiba ang tagal na dapat manatili ang kababaihan sa kanlungan at ang uri ng serbisyo na kailangan nila.

Sa pagdating sa kanlungan, binibigyan ang isang babae ng kuwarto para sa kanyang sarili at mga anak (nagbibigay ng kama, mga kumot, mga unan at kubrekama). Libre ang pananatili para sa kababaihan at kanilang mga anak.

Habang nananatili sa kanlungan, binibigyan ang kababaihan at ang kanilang mga anak ng pagkain at mga mahalagang panlinis na produkto nang libre.

Sa kanlungan, may access ang kababaihan sa libreng wifi, washing machine at dryer.

 

Mga Bata sa Kanlungan

Responsable ang mga magulang para sa kanilang mga anak sa panahon ng pananatili sa kanlungan, ngunit ginagawa rin ng mga tauhan at mga boluntaryo ang kanilang buong makakaya para suportahan ang mga bata. Sa nagdaang taon, ipinakilala ng mga tagapayo sa kanlungan ang mga bagong pamamaraan hinggil sa trabahong may kaugnayan sa mga bata sa kanlungan. Ang mga batang umabot na sa edad na anim ay makakatanggap ng mga panayam mula sa mga tagapayo kung saan sila makakakuha ng impormasyon tungkol sa kanlungan, pagtuturo tungkol sa kung ano ang karahasan at oportunidad na ipahayag ang kanilang mga sarili gamit ang kanilang mga damdamin at emosyon. Ipinapakilala sila sa mga tuntunin ng tahanan para sa mga bata at ipinapanuod ang palabas na „Pag-usapan natin ang karahasan“ na idinisenyo at binuo ng Kanlungan ng Kababaihan para sa mismong layunin na ito.

Mayroong layuning tulungan at gabayan ang mga bata, na pumunta at nananatili sa kanlungan, upang paunlarin ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng paggawa ng mga nakatutuwa at nakalilibang na mga aktibidad. Mayroong mga grupo ng mga boluntaryo sa kanlungan na bahagyang nangangasiwa ng mga aktibidad ng mga bata, na maaaring kabilangan ng paglalakad, pagpunta sa malapit na palaruan, pagbisita sa zoo, pagpunta sa sinehan o teatro, o paglangoy sa malapit na swimming pool. Inoorganisa ang mga aktibidad na ito nang may kaugnayan sa katayuan ng tahanan sa bawat araw at pati na rin sa edad ng mga bata. Kung hindi maayos ang mga kondisyon sa labas, mayroong lugar sa loob kung saan maaaring magpinta, maglaro ng mga card, manuod ng pelikula o maglaro ang mga bata. Layunin din ng mga aktibidad na ito na mabigyan ang mga magulang ng ilang oras para sa kanilang mga sarili.

 

Buhay sa Kanlungan

May higit na pagbibigay-diin sa pagiging kumpidensiyal sa kanlungan, sa lahat ng nangyayari sa pagitan ng miyembro ng kawani at ng kababaihang nananatili sa kanlungan. Hinihiling din namin sa kababaihang naninirahan sa kanlungan na itago ang impormasyong natatanggap nila mula sa isa’t isa, upang panatilihin ang impormasyong iyon sa kanilang mga sarili. Higit pa, hindi isinasapubliko ang address ng Kanlungan ng Kababaihan.

Ang ideyolohiya ng gawain sa kanlungan ay ang babae ang espesyalista sa kanyang sariling kaso at kailangan lamang niya ng pansamantalang tulong para harapin ang kanyang mga kalagayan, at muling itaguyod ang kanyang buhay nang walang karahasan. Binibigyan ang kababaihan ng mga suportang pakikipanayam sa panahon ng kanilang pananatili. Dagdag pa, pinapalakas sila sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ibang kababaihan, na may katulad na karanasan, na nangangailangan ding manatili sa kanlungan.

Pinaghahatian ng mga miyembro ng kawani at ng kababaihang nananatili sa kanlungan ang trabaho sa bahay. May mga iilan ngunit mahahalagang tuntunin sa bahay, na naglalalayong panatilihing simple at maayos ang pananatili. Halimbawa, may mga tuntunin dito ukol sa oras ng pagpapatulog ng mga bata, ngunit sa pangkalahatan, ang layunin ng mga tuntunin sa bahay ay bumuo ng seguridad at katatagan sa gawaing isinasagawa sa kanlungan, upang mapabuti ang pagiging epektibo ng pananatili.

Ang kanlungan ay isang maganda at nakakaginhawang tahanan na sumusubok na tularan ang normal na buhay ng pamilya. Hinhikayat ang kababaihan na magkaroon ng oras para magpahinga at bawasan ang tensiyon upang makapagpalakas para sa mga hakbang sa hinaharap. Nakakakuha ng tulong ang kababaihan sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad na maaaring makatulong sa kanila, tulad ng pulisya, mga serbisyong panlipunan, mga abogado at iba pang propesyonal. Kapag umalis na sa kanlungan ang kababaihan, maaari silang patuloy na humiling ng konsultasyon at suporta, at makilahok sa mga grupo ng pagtulong sa sarili upang ipagpatuloy ang pagpapalakas sa kanilang mga sarili.

Ang Kanlungan ng Kababaihan ay isang tahanan. Narito ang ilang mga litrato mula sa kanlungan.