Kung nakararanas ka o ang ibang tao ng karahasan, makipag-ugnayan sa pulisya sa 112. Gayunpaman, obligado kang makipag-ugnayan sa proteksiyon ng bata (child protection) para sa mga nasabing kaso.
Ilang makatutulong na punto kung nagsiwalat ang bata tungkol sa karahasan:
Ano ang dapat kong gawin?
- maniwala sa bata
- tiyaking ligtas ang bata
- makipag-ugnayan sa proteksiyon ng bata
Mahalaga na:
- maramdaman ng bata na tama na sinabi niya ang tungkol sa karahasan
- maipaliwanag sa bata na hindi niya kasalanan ang karahasan
- tandaan na napakahalaga ng iyong pag-tugon sa hinaharap – kung paano haharapin ng bata ang mga kapahamakan ng karahasan.
Ang tungkulin mong mag-ulat
Kung alam mo, o kahit na naghihinala ka, na ang isang bata ay nakararanas ng karahasan, kailangan mong makipag-ugnayan sa mga serbisyo sa proteksiyon ng bata.
Ang sumusunod na artikulo ay mula sa seksiyon IV, Pagbibigay ng abiso at iba pang mga obligasyon sa mga awtoridad sa proteksiyon ng bata, Batas sa Proteksiyon ng Bata, Blg. 80/2002.
Artikulo 16
Pampublikong tungkulin na magbigay ng abiso.
[Lahat ng tao ay obligadong magbigay ng abiso sa isang komite ng proteksiyon ng bata kung may dahilan sila para maniwalang ang isang bata ay:
- naninirahan sa isang hindi katanggap-tanggap na kalagayan ng pagpapalaki,
- nalalantad sa karahasan o iba pang hindi makataong pagtrato o
- malubhang nasasapanganib ang kanyang kalusugan at paglaki.
Dagdag pa, lahat ng tao ay obligadong abisuhan ang komite ng proteksiyon ng bata kung may dahilan upang maniwala na ang kalusugan o buhay ng sanggol na hindi pa ipinapanganak ay nasa panganib dahil sa hindi katanggap-tanggap at mapanganib na uri ng pamumuhay ng buntis na nanay, hal. sa anyo ng pag-aabuso sa alkohol o paggamit ng ilegal na droga, o kapag ang isang buntis na ina ay nalalantad sa karahasan, o kung may dahilan para paghinalaan na ang buntis na ina ay nalalantad sa karahasan, o ng anumang insidente na maaaring ituring na nasa sakop ng mga alalahanin ng komite sa proteksiyon ng bata.]
Artikulo 17
Tungkulin na magbigay ng abiso ng mga taong nakikisalamuha sa mga bata.
[Ang lahat ng taong may kinalaman sa mga bagay na may kaugnayan sa mga bata o mga buntis na ina, sa pamamagitan ng kanilang posisyon o trabaho, ay obligadong magbigay ng abiso sa komite ng proteksiyon ng bata, kung mabatid nila ang mga kalagayang inilarawan sa Artikulo 16.] 1)
Ang mga pinuno at guro sa pre-school, tagapag-alaga ng bata, pinuno ng paaralan, guro, klero, doktor, dentista, midwife, nurse, psychologist, social worker, therapist sa paglilinang (developmental therapist), [tagapayo sa karera] 1) at ang mga nagbibigay ng serbisyong panlipunan o pagpapayo ay nasa ilalim ng espesyal na obligasyon na subaybayan ang pag-uugali, pagpapalaki at mga kondisyon ng mga bata hanggang maaari, at na ipaalam sa komite sa proteksiyon ng bata kung ang mga sitwasyon ng bata ay waring katulad ng kalikasan na inilarawan sa unang talata.
Ang tungkulin na magbigay ng abiso na ibinigay sa Artikulong ito ay nangingibabaw sa mga probisyon sa batas o kodigo ng etika sa pagiging kumpidensiyal sa loob ng mga nauugnay na propesyon.